You are currently browsing the monthly archive for February 2008.

Kailan mo ba masasabing handa ka na? Na handa ka ng magpatuloy ng  buhay?

Hindi ko alam ang sagot; at marahil ayaw ko ng alamin ang sagot.

Ang nararamdaman ko lang, hindi ikaw ang maghahanap ng sagot, ang sagot ang hahanap sa iyo.

Lampas isang taon na ang nakakaraan, may isang kaibigan na nagtanong sa akin sa gitna ng isang inuman kung bakit tila hindi ako galit kay Gloria.

Medyo nainis ako, pero naiintindihan ko kung saan nagmumula ang kaniyang tanong. Ang sagot ko’y “Paano mo naman nasabing hindi ako galit kay Gloria samantalang halos lahat ng editorials na sinulat ko ay tungkol sa pagkasuklam kay Gloria at sa mga kabalbalang ginagawa nito.”

“Baka naman natanong mo iyan dahil sa hindi ko sinasabi at ipinaparinig sa iba ang pagkagalit ko kay Gloria tuwing nagkakaroon tayo ng ganitong kwentuhan sa mga ordinaryong araw?,” paglilinaw ko sa kaniya. Tumango siya at sumagot ng oo.

Maganda nga namang tanong, naisip ko.

Ang sagot diyan ay ganito, ang aking pagpapaliwanag: “Dahil hindi sapat ang galit lang. Hindi sapat na galit ka lang kay Gloria, hindi sapat na minumura mo siya, hindi sapat na isinusumpa mo siya.”

“Sa amin, palaging nandoon ang galit, tuluy-tuloy ang nararamdaman naming galit. Pero hindi kami nagpapatali sa galit lamang, hindi kami nagpapakupot sa galit lamang. Kailangan naming humanap ng iba’t-ibang paraan kung paano ilalabas ang galit na iyon. Kailangan naming lumikha ng iba’t-ibang larangan para isambulat ang galit na iyon. Para magkaroon ng solusyon ang iba’t-ibang problemang nililikha ni Gloria laban sa mga mamamayan, para hindi lalong maapi ang mamamayan. Dahil walang silbi ang galit kung walang kaukulang aksyon; walang silbi ang galit kung hindi ka kikilos,” dagdag kong paliwanag.

Napatango siya, tanda ng kaniyang pag-unawa sa aking mga nasabi. “Sabagay, ang karanasan ko lang diyan ay noong sumama ako sa EDSA 2, kaya siguro hindi ko pa alam dahil bago pa lang ako,” ang kaniyang napagtanto.

Matagal nang nagyari ang mga pag-uusap na ito. Pero malaki ang karanasang mapupulot dito lalo na sa panahon ngayon, sa panahong dumarami ang taong nagagalit kay Gloria sampu ng kaniyang pamilya bunga ng iskandalong dulot ng ZTE-NBN deal.

Natitiyak ko na maraming yuppies ang nagagalit na kay Gloria at sa pamilya nito. Marami na sa kanila ang nagpupuyos ang damdamin. Pero marami pa rin sa kanila ang tila nananatiling kuntento na lamang sa galit na kanilang nararamdaman; nanatiling kinikimkim ang nararamdaman, kung hindi man takot makialam ay para bang walang pakialam.

Bagaman nagagalit sila, siguro ay iniisip nila na anumang iskandalo ang idulot ni Gloria ay labas sa kanilang itinalagang “comfort zones.” Na hindi sila apektado ng anumang gulo basta sila ay maayos at masipag na nagtatrabaho. Na sila ay napapagod na sa anumang mga pagbabadya ng people power. Na ipinagpapalagay na nilang hindi na talaga magbabago ang gobyerno ilang people power man ang dumating.

Ang hindi nila naisip, ang ganyang kaisipan ang siyang gustong-gusto ng mga tiwaling opisyal at gobyerno. Ang ganyang kaisipan ang isang dahilan sa mabagal na takbo ng pagbabago sa ating lipunan. Ang ganyang kaisipan ang nagpapatagal sa pwesto ng mga diktador at pasista. Ang ganyang kaisipan ang nagpapahina sa lakas ng pakikibaka.

Hindi siguro nila naiisip na sa bawat pagkilos para sa pagbabago ng lipunan ay mayroon tayong mga panibagong aral na napupulot, mayroon tayong mga pag-usad, mayroon tayong mga pag-angat bilang Pilipino at bilang isang lipunan.

Kung kanilang iniisip na isang beses na people power lamang o isang lahatang pagkilos lamang ng sambayanan ang kailangan para mabigyang solusyon ang mga problema ng ating lipunan, para umano matapos na lahat, at pagkatapos ay uupo na lamang ulit tayo at ipagpapatuloy ang ating pangkaraniwang buhay, ay nagkakamali sila.

Kung ang tinutukoy nila ay parang isang “magic pill” na instant solution sa lahat ng ating problema ay nagkakamali sila.

Dahil kung gusto natin ng totoong pagbabago, at natitiyak kong ito ang kagustuhan ng lahat sa atin, hindi tayo kailanman dapat mapagod, hindi tayo kailanman dapat magsawa. Dahil kung tayo’y susuko, lalong magpapatuloy ang pagsasamantala at pang-aapi, ang pangungulimbat at pandaraya. Kaya bakit tayo hihinto, bakit tayo mapapagod, bakit tayo magsasawa?

Ang ating pagsuko, ang ating pagkapagod, ang ating pagkasawa, ito ang palaging ipinagdarasal gabi-gabi ng mga diktador at pasista, ng mga mandarambong at mangungulimbat, ni Gloria at ng kaniyang pamilya.

Papayag ka ba?

When we are in a contemplative mood, the thought of exorcising our own demons usually comes to mind. During that moment, we reflect on our victories, failures, heartaches, and fear, especially.

However, during that sojourn to the subconscious plane, have you ever asked yourself the question, “What is my deepest fear?” Indeed, the answer to that question is as many as the number of people who have the courage to confront their fears.

There is one answer, however, that captures the existential dilemma of post-modern beings living in this complicated world. Here it is; let us slay that fear:

Our Deepest Fear
(Marianne Williamson)

Our deepest fear is not that we are inadequate.
Our deepest fear is that we are powerful beyond measure.
It is our light, not our darkness that most frightens us.
We ask ourselves, Who am I to be brilliant, gorgeous, talented, fabulous?
Actually, who are you not to be?
You are a child of God.
Your playing small does not serve the world.
There is nothing enlightened about shrinking so that other people won’t feel insecure around you.
We are all meant to shine as children do.
It’s not just in some of us; it is in everyone.
And as we let our own lights shine, we unconsciously give other people permission to do the same.
As we are liberated from our own fear, our presence automatically liberates others.

Makulimlim ang langit noon, nagbabadya ng unos na parating. Di kalauna’y dumating na nga. Ang kaibahan nga lang sa pangkaraniwang unos, hindi naging tahimik ang alapaap bago ang pagdating nito; marami nang mga paalala, pagbabadya, mga babala sa kaniyang pagdagundong.

Naghanda ako noon, dahil alam kong tila hindi maiiwasan. Nag-ipon ng mga binaon na tapang, lakas ng loob, katapatan sa sarili. Pero natigilan pa rin ako; nawala ng isang saglit sa pag-inog ng mundo. Ramdam na ramdam ko ang bawat segundong lumipas sa pagsakop ng unos sa aking kamulatan; inaasahan ko pero nakakagulat, nararamdaman kong parating pero napatanga pa rin ako. Naging kaisa ako sa uniberso, nakalutang sa kung saan, parang walang paroroonan.

Magkahalong habag sa sarili at pag-aalinlangan, pero namayani ang katapangan at katapatang harapin at ipaubaya ang hinihinging paglaya ng mga ulap mula sa kinikimkim na mga ulan. Naalala ko, maraming beses na nga palang umiyak ang langit, maraming beses na nagdusa ang mga ulap, maraming beses na hindi naging payapa ang hangin, marahil nagsawa na nga, napagod na sa pagkalinga.

Hindi ko masisisi na napuno na ang langit sa pagbibigay ng kaayaayang pagsamo. Paano mo nga naman sisinagan ng liwanag ang isang patuloy na naging hambog, mapagmataas, nagmamarunong; ang isang inisip na unahin ang sarili na magkaroon ng memorableng lugar sa mundong walang katiyakan ang katotohanan, walang katiyakan ang katapatan, walang katiyakan ang kabutihan, walang katiyakan ang pinagsisilbihan.

Marahil nga ay hindi ko napigilan ang bugso ng pagnanais na magkaroon ng sariling alamat. Ang hinangad ko lang naman ay makita ang sarili sa ibang pananaw, sa ibang pagtingin, sa ibang larangan na magbibigay ng higit na lakas sa pagsusulong ng payapa at malayang paligid. Pero nasobrahan nga lamang; nalabanan ko lahat pero hindi ko namataan na ang sarili ang totoong kaaway.

Natalo ako sa pagdating ng unos. Lumaya ang langit, ang ulap – at naiwan ako, patuloy sa pagdaluyong ang sariling langit at ulap. Dinaya ang sariling langit at ulap para lumaya ang tumatangis na langit at ulap ng iba.

Baka mali, baka nga mali, pero ipangkakait mo ba ang paglaya sa isang bulaklak na tumatangis?

Sa pag-alis ng unos, maraming naiwang nakakalat at may dalawang sugatan – walang makitang lunas kundi ang kumanlong sa sariling kawalan. Paano nga ba naman agad na tuluyang lalaya kung ang sanhi ng paghahangad ng paglaya ay hindi naman ang kawalan ng paghalina, hindi naman ang kawalan ng pagnanais na maging isa? Paano nga ba naman agad na matutuyo ang sugat kung ang sanhi ng paghahangad ng paglaya ay hindi naman ang kawalan ng pagsuyo, hindi naman ang kawalan ng puso?

Ibang-iba, ibang-iba nga sa pangkaraniwan, at hindi mauunawaan ng iba pag nalaman. Pero nangyari at naging ganap.

Habang nililinis ko ang mga naiwan at natirang kalat na bunga ng unos, hinarap kong ayusin, tanggalin ang mga nakabara at nakakulapol na tinik ng kawalang kaayusan. Maliwanag pa ang araw sa kanluran pero papalubog na, yayakapin na ng gabi ang paligid. Mahaba pa ang oras, mahaba ang panahon sa gabi para mag-ayos, mamulot ng aral sa pagkatalo. Hindi man mahimbing ang pagtulog, ang mahalaga’y nakapag-ayos, nakapamulot dahil balita ko’y masarap ang lumanghap ng hangin sa umaga – kaya kailangang maghanda.