Makulimlim ang langit noon, nagbabadya ng unos na parating. Di kalauna’y dumating na nga. Ang kaibahan nga lang sa pangkaraniwang unos, hindi naging tahimik ang alapaap bago ang pagdating nito; marami nang mga paalala, pagbabadya, mga babala sa kaniyang pagdagundong.

Naghanda ako noon, dahil alam kong tila hindi maiiwasan. Nag-ipon ng mga binaon na tapang, lakas ng loob, katapatan sa sarili. Pero natigilan pa rin ako; nawala ng isang saglit sa pag-inog ng mundo. Ramdam na ramdam ko ang bawat segundong lumipas sa pagsakop ng unos sa aking kamulatan; inaasahan ko pero nakakagulat, nararamdaman kong parating pero napatanga pa rin ako. Naging kaisa ako sa uniberso, nakalutang sa kung saan, parang walang paroroonan.

Magkahalong habag sa sarili at pag-aalinlangan, pero namayani ang katapangan at katapatang harapin at ipaubaya ang hinihinging paglaya ng mga ulap mula sa kinikimkim na mga ulan. Naalala ko, maraming beses na nga palang umiyak ang langit, maraming beses na nagdusa ang mga ulap, maraming beses na hindi naging payapa ang hangin, marahil nagsawa na nga, napagod na sa pagkalinga.

Hindi ko masisisi na napuno na ang langit sa pagbibigay ng kaayaayang pagsamo. Paano mo nga naman sisinagan ng liwanag ang isang patuloy na naging hambog, mapagmataas, nagmamarunong; ang isang inisip na unahin ang sarili na magkaroon ng memorableng lugar sa mundong walang katiyakan ang katotohanan, walang katiyakan ang katapatan, walang katiyakan ang kabutihan, walang katiyakan ang pinagsisilbihan.

Marahil nga ay hindi ko napigilan ang bugso ng pagnanais na magkaroon ng sariling alamat. Ang hinangad ko lang naman ay makita ang sarili sa ibang pananaw, sa ibang pagtingin, sa ibang larangan na magbibigay ng higit na lakas sa pagsusulong ng payapa at malayang paligid. Pero nasobrahan nga lamang; nalabanan ko lahat pero hindi ko namataan na ang sarili ang totoong kaaway.

Natalo ako sa pagdating ng unos. Lumaya ang langit, ang ulap – at naiwan ako, patuloy sa pagdaluyong ang sariling langit at ulap. Dinaya ang sariling langit at ulap para lumaya ang tumatangis na langit at ulap ng iba.

Baka mali, baka nga mali, pero ipangkakait mo ba ang paglaya sa isang bulaklak na tumatangis?

Sa pag-alis ng unos, maraming naiwang nakakalat at may dalawang sugatan – walang makitang lunas kundi ang kumanlong sa sariling kawalan. Paano nga ba naman agad na tuluyang lalaya kung ang sanhi ng paghahangad ng paglaya ay hindi naman ang kawalan ng paghalina, hindi naman ang kawalan ng pagnanais na maging isa? Paano nga ba naman agad na matutuyo ang sugat kung ang sanhi ng paghahangad ng paglaya ay hindi naman ang kawalan ng pagsuyo, hindi naman ang kawalan ng puso?

Ibang-iba, ibang-iba nga sa pangkaraniwan, at hindi mauunawaan ng iba pag nalaman. Pero nangyari at naging ganap.

Habang nililinis ko ang mga naiwan at natirang kalat na bunga ng unos, hinarap kong ayusin, tanggalin ang mga nakabara at nakakulapol na tinik ng kawalang kaayusan. Maliwanag pa ang araw sa kanluran pero papalubog na, yayakapin na ng gabi ang paligid. Mahaba pa ang oras, mahaba ang panahon sa gabi para mag-ayos, mamulot ng aral sa pagkatalo. Hindi man mahimbing ang pagtulog, ang mahalaga’y nakapag-ayos, nakapamulot dahil balita ko’y masarap ang lumanghap ng hangin sa umaga – kaya kailangang maghanda.