Maraming naging mga pangyayari. Maraming mga naging pagbabago. Wala nga lamang kasiguruhan; walang kasiguruhan kung muli pa bang magtatagpo ang mga pagbabagong iyun upang maging ganap na isa.

Sa isang banda, malakas kasi ang hatak ng pwersa ng inaakala, pinapangarap, at ipinapalagay na magiging kaaya-ayang buhay sa dako ng timog. Masayado nga yatang malakas ang pwersa; para bagang bagyong humawi at dumurog sa mga umuusbong pa namang mga pananim, sa mga papasibol pa namang mga bagong punla.

Sa kabilang banda, hindi na nais na magpahatak pa sa anumang pwersang dating inakala, pinangarap, at ipinagpalagay na magbibigay ng kaaya-ayang buhay sa dako ng sentro. Banayad na ang hangin, para bagang lalong naging masiglang-masigla ang kulumpon ng mga ulap, ang pagsayaw ng araw. Makulay ang paligid, buhay na buhay, lahat ay nagpupugay sa isang pagbabalik, sa isang tagumpay.

Anu’t-anuman ang mangyari — sa kasalukuyan, sa malapit na hinaharap, at saan mang panahon — darating ang panahon, ang pagkakataon, ang animo’y nakatakdang sandali, na ang isang banda at ang kabilang banda ay muling magtatagpo upang maging ganap na isa.

Animo’y parehong nasugatan sa isang matinding digmaan — duguan at tuliro. Pero sa muling pagtatagpo, sa muling paghaharap ng mga pangyayari at pagbabago, lalong mas magiging malakas, lalong mas magiging matalas, lalong mas magiging ganap na isa.

Sa pagkakataong iyon, ang lahat ng dako ay puro silangan.