You are currently browsing the monthly archive for May 2008.

XLIX

Sa araw na ito: ang lahat ng kahapon ay nalaglag papalayo
kasama sa mga tangkay ng liwanag at nahihimbing na mga mata.
Ang bukas ay sasapit sa kaniyang luntiang mga hakbang;
walang sinumang makapipigil sa pag-agos ng bukang-liwayway.

Walang sinumang makapipigil sa pag-agos ng iyong mga palad,
ng iyong mga mata at kanilang pamumukto, aking pinakaiirog.
Ikaw ang pag-alog ng sandali, na lumilipas
sa pagitan ng nakatindig na liwanag at ng papadilim na kalangitan.

Tinitiklop sa iyo ng kalangitan ang kaniyang mga bagwis,
inaangat ka, binubuhat patungo sa aking mga bisig
nang may maagap, mahiwaga niyang kalooban.

Kaya ako’y nagsusumamo sa araw at sa buwan,
sa dagat, sa sandali, sa lahat ng mga planeta,
sa iyong palagiang tinig, sa iyong panggabing kutis.

XLIV

Dapat mong malaman na hindi kita iniibig at iniibig kita,
dahil ang lahat ng bagay na buhay ay may magkabilang banda;
ang salita ay isang bagwis ng katahimikan,
apoy ay mayroong kabiyak na lamig.

Iniibig kita upang simulan kitang ibigin,
upang simulan muli ang walang hanggan
at huwag huminto sa pag-ibig sa iyo:
kaya hindi pa kita iniibig.

Iniibig kita, at hindi kita iniibig, na para bang kinikimkim ko
sa aking palad ang mga susi: sa isang kinabukasan ng ligaya –
sa isang nakapanlulumo, nakakalitong kapalaran –

Ang aking pag-ibig ay may dalawang buhay, upang ibigin ka:
kaya iniibig kita kapag hindi kita iniibig,
at kaya rin iniibig kita kapag iniibig kita.

Celine,

*Daydream delusion, limousine eyelash / Oh baby with your pretty face / Drop a tear in my wineglass / Look at those big eyes / See what you mean to me / Sweet-cakes and milkshakes / I’m a delusion angel / I’m a fantasy parade / I want you to know what I think / Don’t want you to guess anymore / You have no idea where I came from / We have no idea where we’re going / Lodged in life / Like branches in a river/ Flowing downstream / Caught in the current / I carry you / You’ll carry me / That’s how it could be / Don’t you know me? / Don’t you know me by now?

Jesse

*From “Before Sunrise”

“Dalawang klase lamang ang kamatayan. Ang kamatayang singbigat ng bundok o ang kamatayang singgaan ng isang balahibo.”

Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman ilang oras bago ko matanggap ang isang balitang gumimbal sa akin kahapon– na pumanaw na daw si Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran. Paano kasi, madaling-araw ng Martes, Mayo 20, bandang alas-dos ng madaling-araw, nangangabog ang dibdib ko sa ‘di ko alam na kadahilanan.

Ang natitiyak ko lang, ang mga oras na iyon ay katulad din nang mga oras sa nakaraan na mayroon akong pakiramdam (o takot) na mayroong masamang mangyayari pagsikat ng araw. Kaya bandang alas-kuwatro na ng umaga nang ako’y tuluyang makatulog. Hindi ko alam, pero talagang sobra ang naging pakiramdam ko na ‘yun.

Nagising ako lamapas alas-dose na ng tanghali ng araw na ‘yun. Hindi ko mawari pero andun pa rin ang pakiramdam na ‘yun. Nang biglang may natanggap akong text mula sa NUPL, ang sabi’y, “Neri suggests na retain the name of ka bel sa jmsu petition in recognition sa last fight nya.”

Hindi ko maintindihan ang nasabing text, o ayaw lamang talagang i-proseso ng utak ko. Ayokong mag-isip nang kung anumang masamang nangyari kay Ka Bel nang mga sandaling iyon; ayokong bigyan ng dahilan ang takot na nararamdaman ko noon. Sana nagkamali lang ang nag-text, sana, dasal ko noon.

Ilang minuto ang lumipas, tumawag na ang isang kaibigan na staff sa NUPL. Nagkaroon ng kumpirmasyon — pumanaw na nga si Ka Bel sa edad na 75, lampas alas-onse ng umaga ng araw na ‘yun.

‘Di ko mapigilan ang sarili ko, pumatak ang luha, unti-unting bumuhos. Para nga kasing hindi totoo, parang isang panaginip lamang. Ayaw tanggapin ng isip ko na wala na si Ka Bel; ayaw kong isiping wala na talaga si Ka Bel.

Sa mga nakasama ni Ka Bel sa gawain, alam naming lahat na tunay na isang napakalaking karangalan para sa amin ang nakasama siya sa paggampan ng mga gawain. Sobrang tapang sa labanan, sobrang bait sa tao, sobrang likot ng isip sa mga usapin, sobrang mapagpakumbaba sa kahit sino, sobrang madaling makagaanan ng loob, sobrang sigasig sa gawain — wala kang masasabing kulang. Ikaw pa nga ang magsasabi na magbawas ng kahit konti lang.

Sinasabi ko ito ‘di dahil sa naging staff ako ni Ka Bel sa Kongreso mula Pebrero 2002 hanggang Mayo 2003, unang termino niya bilang kinatawan ng Bayan Muna. Sinasabi ko ito dahil ganun talaga si Ka Bel, saan mang lugar, saan mang panahon, kahit anong oras, kahit anong sandali. Kaya nga doon ka hahanga kay Ka Bel, doon maaantig ang puso mo, doon ka mapapaluha sa kaniyang pagpanaw.

Hanggang sa huling sandali kasi ng kaniyang hininga, yakap-yakap ni Ka Bel ang kaniyang uri — ang uri ng masang anakpawis, ang uring proletaryado. Doon mo makikita ang kaniyang marubdob na pagyakap sa kaniyang uring pinagmulan — nahulog kasi si Ka Bel sa hagdan na naka-angkla sa bubungan ng kanilang bahay; inayos kasi ni Ka Bel ang butas ng kanilang bubungan bandang alas-siyete ng umaga nang araw na ‘yun; halos labing-apat na piye ang taas ng bubong na pinaghulugan ni Ka Bel; una ang kaniyang ulo na tumama sa semento sa ibaba. Iyon na ang naging simula ng pagpanaw ni Ka Bel.

Marami tiyak ang nagtatanong — bakit si Ka Bel ang umakyat sa kanilang bubungan para ayusin ito?; hindi ba’t isa siyang Congressman?

Iyon na nga ang katibayan na hanggang sa dulo ng buhay ni Ka Bel, yakap-yakap niya ang kaniyang uring pinagmulan. Oo Congressman si Ka Bel, pero titulo lamang iyon para sa kaniya. Kahit naging Congressman si Ka Bel, hinding-hindi niya kailanman tinalikuran ang kaniyang uring pinagmulan, hinding-hindi niya kailanman kinompormiso ang kaniyang prinsipyo, hinding-hindi siya kailanman nangulimbat sa kaban ng yaman. Naging Congressman si Ka Bel na isinabuhay niya ang pagiging isang tunay na kinatawan ng masang anakpawis, walang kulang, labis pa nga.

Si Ka Bel ay hindi nagpalimita sa paghina ng kaniyang katawan; ang kaniyang isip at determinasyon ay nanatiling masiglang-masigla at matalas hanggang sa huling sandali.

Tiyak ngang mahirap itong unawain — para sa mga hindi nakakakilala kay Ka Bel, para sa mga Kongresistang kalaban ng uri ni Ka Bel.

Si Ka Bel kasi ang simbolo ng masang anakpawis na mula simula hanggang sa huli ay kasama niya ang masa. Hindi nga ba’t si Ka Bel ang Kongresista na matagal na panahong nakatira sa squatters’ area sa NGC Area malapit mismo sa Kongreso?

Tunay na kahanga-hanga si Ka Bel. Tunay na tagapagtaguyod ng maralitang mahihirap. Tunay na kasama ng masa. Tunay na isang masa.

Gusto kong idiin, kahit na noong ginipit si Ka Bel ng gobyernong Arroyo nang siya ay arestuhin bunga ng isang kasong panahon pa ni Marcos nagmula at matagal nang dapat naibasura, hindi kailanman nabawasan ang determinasyon ni Ka Bel para lumaban. Humina man ang kaniyang pangangatawan, mas lalo naman siyang naging mabangis, mas lalong tumapang.

At may kinalaman ang gobyernong Arroyo sa kamatayan ni Ka Bel. Sa panahon kasi na siya ay inaresto at matagal na panahong nakakulong sa Philippine Heart Center, doon nga unti-unting nanghina ang pangangatawan ni Ka Bel, doon lumala ang nararamdaman niyang sakit sa katawan. Kaya hindi ligtas sa responsibilidad ang gobyernong Arroyo sa kamatayan ni Ka Bel. At natitiyak ko, hindi tinatanggap ni Ka Bel ang anumang mensahe ng pakikiramay na magmumula sa palasyo ni Gloria.

Sa pagpanaw ni Ka Bel, para akong nawalan ng isang ama. Malapit kasi sa akin si Ka Bel dahil nga sa matagal na panahon din naming pagsasama sa Kongreso. Naging malungkot man ang paghihiwalay namin ni Ka Bel sa Kongreso noon, naging inspirasyon naman si Ka Bel para sa aking muling pagbabalik. Hindi kasi mawawala ang diwa ng determinasyon, ang piglas ng kamaong mapagpalaya, ang dagundong ng sigaw ng pakikibaka kapag nakasama mo si Ka Bel sa gawain. Mawala man sa sandaling panahon, babalik at babalik ka rin para ituloy ang laban.

Hindi ako magpapaalam kay Ka Bel. Mas gugustuhin kong manatili siyang bahagi ng aking buhay bilang isang buhay na kasama, kaibigan, pangalawang ama.

Kaya sa petisyon para ibasura ang Joint Marine Seismic Undertaking na isinampa sa Korte Suprema kaninang umaga, kasama ka pa rin namin Ka Bel, isa ka pa rin sa Petitioners nito. Ang petisyon na ‘yun, na aking sinulat at ang aking unang kaso bilang isang abogado, ay inaalay ko sa iyo ng buong tapang, Ka Bel. (Ang buong kopya ng Petition for Certiorari and Prohibition with application for Temporary Restraining Order and/or Preliminary Injunction.)

Walang duda, ang kamatayan ni Ka Bel ay kamatayang singbigat ng isang bundok. At ‘wag kang mag-alala, Ka Bel, alam kong pinangarap mo na sana kung papanaw ka ay sa gitna ng isang labanan. Walang duda, Ka Bel, pumanaw ka na nasa gitna ng ating laban para sa pagpapatalsik kay Gloria, pumanaw ka na nasa gitna ng ating laban para itaguyod at ipaglaban ang kapakanan ng masa, pumanaw ka na nasa gitna ng ating laban sa pagpapapula ng silangan — dahil ang isang rebolusyonaryo ay rebolusyonaryo sa lahat ng sandali, sa lahat ng oras, sa lahat ng panahon.

Ang isang rebolusyonaryo, sa kaniyang bawat paghinga at pagkawala man nito, ay isang rebolusyonaryong gumagampan ng mapagpalayang pagkilos. Ikaw, Ka Bel, ang rebolusyonaryo.

A friend, cookie, has this entry on her blog — about sacrifices in a world where sanity is a precious thing, and retaining it is a rarity:
“J.D. on Sacrifices

When you start med school they warn you that you’re gonna have to make sacrifices. That means different things to different people…like giving up something you really want now for something you’ve wanted your whole life…or spending less time on yourself so you can spend time with someone you really love. At some point, you might even have to give up your own sense of safety and well-being. But after a while, it doesn’t feel like you’re giving up anything at all.

-Dr. John “J.D.” Dorian
My Sacrificial Clam Episode
SCRUBS. Season 1.

As with law school, J.D. As with law school.”
I agree, cookie, I fully agree. Indeed, as not a few people belittle the saying, “Law is a jealous mistress,” they better start thinking about it again.
Mutatis Mutandis, I hope.

“Pag-ibig, hindi panahon, ang nagtatanggal ng sakit. Pag-ibig, hindi panahon, ang naghihilom ng sugat. Pag-ibig, hindi panahon, ang nagbibigay ng mga aral tungkol sa pag-ibig. Pag-ibig, hindi panahon, hindi ang paglipas ng panahon…” — S.A.

Put*******! Nakakaramdam na ako ng galit. Lagi ko kasing naaalala ang isang dating pagbubunyag, at matapos ang mahaba-haba ring panahon, ito na, unti-unti na ngang sumisiklab ang galit.

Matagal-tagal ko rin kasing pinag-isipan, sinuri, pinagbali-baligtad ang mga nalaman. Sabagay, ‘pag gusto mo kasi talagang magbago, balewala ang lahat ng pagbubunyag, gaano man kasakit, gaano man kalalim ang huhukaying sugat.

Kaya ngayon lang lumalabas ang galit, pagkatapos ng mahabang pag-iisip at pagsusuri. Put*******! Sabi nga ng isang kaibigan, “minsan kailangan mo ring maging confrontational, kasi parang bigla ka naman kasing bumait ng sobra, magtira ka naman ng dating ikaw kahit konti lang.”

Tama nga siya siguro. Kahit konti lang, basta ang importante, malinaw ang dahilan ng galit, malinaw ang dahilan ng pagmumura kada madaling-araw. Prinsipyadong galit, prinsipyadong mura, ika nga.

Hindi pa tapos, may susunod pa. Put*******!