Nagiging masalimuot ang mga pangyayari. Sadya lamang sigurong mahiwaga ang buwan ng Hulyo at Agosto. Pati pala ang Hunyo. Parang bagyo — laging walang pagbabadya, walang paalala.
May mga dahilan, nararamdaman ko. ‘Di ko lamang alam kung talagang inaadya. E kada buwan kasi, may nangyayaring mabigat — may bahaging negatibo, may bahaging positibo, meron din namang ‘di mo mawari kung ano, at meron namang nagbabadyang maging positibo pero negatibo pa ngayon pero pakiramdam ko ay hindi naman talaga negatibo bagkus ay positibo.
Ewan, pati ako naguguluhan na minsan. Paano mo ba malalaman kung ano ang susundin? Ang daming magkakahalo — palaging nagsasalimbayan, palaging nagpapaligsahan.
Baka ganoon na lang, naisip ko — ang gawing musa ang mga positibo, ialay na lang sa altar ang mga negatibo.
Magkakaroon ba ng aparisyon ng bagong musa na nilikha lahat ng mga positibo, kung gayun? O baka naman meron na, ayaw lang iadya ng panahon/pagkakataon? Baka naman inaadya na, kaya babaguhin na ang panahon/pagkakataon?
Susubukan kong magmalimos ng sagot sa darating na mga araw. Sa ngayon, hihiga lang ako gabi-gabi sa damuhan, titingala sa kalangitan, mananalangin ng mga pag-aadya. Ngingiti na lamang pagkatapos. Maaliwalas kasing titigan ang aking North Star.

No comments yet
Comments feed for this article