‘Di ko alam kung inaadya ng mga planeta.
Baka nga nasa linya ang Mars, Saturn at Jupiter
noon – nang kita’y masilayan, mamasdan.

Maningning kasi ang iyong paglitaw,
nasilaw ako nang bahagya, inaamin ko.
‘Di ko pinansin – bakit nga ba naman biglang
lilitaw ang ‘sang marikit, maamong bituin
sa dakong hapon?

Nang kita’y titigan, nakita
ko ang daigdig sa kislap
ng ‘yung mga mata.

‘Di ko pinansin – bakit nga ba naman biglang
magbibiro ang uniberso gayung matagal na
ako nitong binibigo?

Nang kita’y lisanin, nakita
ko ang kislap ng ‘yung mga mata
saan mang dako sa daigdig.

‘Di ko pinansin.
‘Di rin ako mapalagay.
‘Lang gabi ang lumipas, ang ‘yung kinang
ay nananatiling nakaguhit sa kalangitan –
nagbubura ng lungkot, naglalagay ng ngiti.

‘Di na ako nasilaw nang titigan kita.
Dahil nasilo na pala ako – ng ‘yung indak,
ng ‘yung ganda, ng ‘yung ningning.

Nang kita’y gawing musa,
naisip ko – mananatili ka bang nakasilay
sa gawing itaas ng Hilaga
gayung andito naman ako
sa gawing ibaba
nagpupuyat kasama ang masa?