Nasasaktan nang tumulo ang luha habang tumutula,
animo’y nahulog na ulan,
punyal na tumatarak sa laman.

Inaamin ko, ang makata ay iyakin,
ang anino ay ligalig, naliligaw sa dilim,
nag-iisa habang binabagabag ng lamig.

Sa aking bawat hakbang, nagdurugo ang mga linya,
nalulusaw ang daan, nalalapnos ang hininga.
Hinihiwa na ng aking tinig ang gabi.

Napatingala ako sa kalawakan,
wala ni isang butuin,
nawawala ang mahiwagang bituin.

Nilisan ko ang mga halik, ang mga yakap sa lamig.
Nilisan natin ang mga halik, ang mga yakap sa lamig.
Naiwan ang talim, ang sugat sa labi.

Nasasaktan nang tumulo ang luha habang tumutula,
ulila na ang dilim, ang lamig, ang gabi.

Ang lahat ay nahihimbing,
ngunit ako ang saksi sa bigong panaginip –
ako na pumukaw sa iyong kaluluwa
naging tampalasan sa iyong mga mata.

Ninais mong ang ako at ikaw ay magtagpo
nang walang pangalan, walang kinabukasan,
anuman ay wala.

Nabigatan ka sa aking mga talinghaga,
sa bigkas ng mga talata, sa lalim ng balon
ng aking pag-ibig ika’y nalunod, nalunod.

Nilisan ko ang musa.
Nilisan ako ng musa.

Ang mga bakas ng naunang ngiti, tamis, tuwa,
sigla, ligaya, lukso ay naiwan.
Iyon lamang ang nais kong iguhit sa langit,
kukulayan ko ng bahaghari.
Itatatwa ko ang mga halik, ang mga yakap, ang bulkan
dahil ito’y walang pangalan, walang kinabukasan.

Titigil din ang luha
pagkatapos ng tula.

28 Disyembre 2008, madaling-araw