Tanging ikaw ang musa –
ang diyosa sa aking mga alamat,
ang rosas sa aking mga digmaan,
ang hamog sa aking mga tag-araw.

I.

Umaga.
Isang umaga nang kita’y alayan
ng wangis ng aktibista bilang isang mangingibig
sa piling ng nagniningas na mga buhangin
at nagpupunyaging mga alon.

Hapon.
Isang hapon nang nalaglag ng tuluyan
ang mga natuyong dahon na nababad
sa iyong mga luha.

Gabi.
Isang gabi nang ako’y maglakbay
ng walang kasiping
at natagpuang ikaw ang tanging bulaklak
sa kagubatan ng aking kaluluwa.

II.

Hapon.
Isang hapon ng ligalig na napawi
ng pagtatagpo ng ako at ikaw
nang may pagbabadya
ng mapupusok na planeta
sa wagas na mangingibig.

Gabi.
Isang gabi ng pagsabog
sa kalawakan na tanging tayo
ang nakaligtas
ng walang nakakaalam
maliban sa matatandang pantas.

Umaga.
Isang umaga ng ako’y napoot
na sa aking paghimbing
ay muling sumilay sa Hilaga
ang nag-iisang bituin
ng aking daigdig.

III.

Gabi.
Isang gabi ay niyakap
ng hiwaga ang Mayo
at ang dakilang mangingibig
at ikaw
ay naglahad
na ang sukatan ng paglalakbay
ay ang pag-unlad
ng pagkatao ng manlalakbay.

Umaga.
Isang umaga ay nagtagisan
sa grabidad
pagkatapos
kong kumawala
papalayo
sa iyo.

Hapon.
Isang hapon ay nagisnang
nilulusaw ng hangin ang apoy
at ikaw ay nasa ibang lupain
kasama ang tubig
na ninais kong iyong ibuhos
sa bukal ng aking dibdib.

XXXII.

Tanging ikaw ang musa.