You are currently browsing the category archive for the 'Poems' category.

I

Lagmay: ang pangalan ng mandirigma, o anino, o hamog,
ng mga kagilagilalas na nagmumula sa Hilaga, ang huli:
salita na nagsasabog ng ningning sa kabundukan,
sa kaniyang dapit-hapon ay lumulukso ang dugo.

Namamahay ang mga bubuyog sa iyong pangalan,
niyayakap ng mga rosas na armado ng sanlibong tinik:
ang mga titik ay naliligo sa ilog ng pulot
na tumitighaw sa aking nauuhaw na puso.

Tulad ka ng mahiwagang kampana sa langit
na sagot sa mga naliligaw sa kagubatan
patungo sa bagabag na simbahan ng aking dibdib –
binabasag ang malalalim na pangamba!

Salakayin mo ako ng iyong nagpupuyos na halik,
ikulong mo ako sa misteryo ng mabangis mong mga mata;
hayaan mo lamang na ako’y maglakbay sa iyong pangalan,
hayaan mo lamang na ako’y doon mamahinga.

II

Irog, nagpupuyos ang langit noon, animo’y
lasing ang mga anito, umiiyak ang mga kalye,
nagdadasal ang mga nananampalataya,
napakadilim ng gabi, mahimbing ang mga bituin.

Nangahas akong suungin ang alon, ang bigwas
ng ligaw na habagat, ang mga nagagatong hagdan
ng pag-ibig, ang mga aligagang sandali –
kapalit ng mga baka-sakali ng iyong ngiti.

Ay, ‘di ako nabigo, ‘di mo ako binigo;
nabuhay ang orkidya sa lunsod, nagningas
ang kahabaan ng Visayas, ang mga isla’y
nagbunyi sa himig ng halimuyak ng iyong tinig.

Binigkas natin ang mga pagbati ng simula –
nasulyapan ko ang daigdig ng bahaghari sa iyong
mga mata; panatag na ang dagat, umaawit.
Maglalayag tayo sa agos ng bulkan, sa sigla ng apoy.

III

Naisulat ko ang tula nang gabing iyon;
ikaw ang paksa ng mapupusok kong linya:
ang mailap na diyosa, ang langgam na gumagapang
sa bawat kaba, ang panaginip ng sanggol

sa madaling-araw, ang maalamat na baul
na nakalagak sa sinapupunan ng panahon,
ang marikit na maya sa palayan sa tag-araw,
ang pagsabog ng liwanag sa bukang-liwayway.

Nahawakan ko ang tubig, naikulong ko ang sandali,
naiguhit ko ang dunong ng matatandang pantas sa aking palad;
katulad sa kung paano nagniniig ang hangin at apoy,
katulad sa kung paano nagtatagpo ang liwanag at dilim

sa dapit-hapon. Ang kalawakan ay huminto, bumulusok
sa atin na may dalang musika – inangat tayo
papalapit sa hininga ng ating nag-aalab na dibdib.
Pinagsipingan natin ang hiwaga ng gabi.

IV

Ang puso ng makata ay ‘di tulad ng isang matalas
na espada na humihiwa ng hangin, o malawak na
palayan na nakakasilaw ang ani, o masiglang gusali
na nakaliyad ang mga haligi, o maanghang

na sili sa parang, o maamong tupa sa pastuhan.
‘Di ang lagaslas ng ilog sa tanghaling tapat,
o ang payasong nagbibigay sigla sa gabi.
Ang puso ng makata ay tulad ng isang,

isang malungkot na mangangaso na nangungulila
sa talim ng sandata mong ngiti; o nagagatong tulay
na ulila sa binhing itinatanim ng iyong mga hakbang;
o pinunit na papel na pinagkaitan ng baytang

ng iyong mga salita; o mga labi na nauuhaw sa tamis
ng iyong mga halik; o asong ulol na nagkukumahol
sa iyong pandinig; o isdang nalulunod sa daloy
ng iyong katawan; o mahabanging langit, umiiyak.

V

Iniibig kita tulad sa kung paano iniibig
ng mga nayon ang mga pulang mandirigma
nang masigasig – sa pagitan ng mga nakahimlay
na bukirin at nagliliyab na talahiban.

Ang iyong pangalan ang silahis na tumatagos
sa aking kaluluwa habang ako’y nakatayo –
nag-iisa – sa gitna ng malawak na kaparangan
sa tag-araw, sinusunog ang iyong ala-ala.

Iniibig kita, aking natitiyak. Ang totoo’y
kaya kong ikulong ang apoy ng aking pag-ibig –
lumaya ka lamang patungo sa lupalop na nais
mong lakbayin, aking Irog – nang malugod.

Ang iyong ala-ala ay huhubugin kong sandata,
iaalay ko sa kanila – sa masa na patuloy na umaasa.
Kung ako’y lalamigin sa gabi, ‘wag kang mag-alala,
aking Irog, darating ang umaga: namumula, nag-aalab.

Nasasaktan nang tumulo ang luha habang tumutula,
animo’y nahulog na ulan,
punyal na tumatarak sa laman.

Inaamin ko, ang makata ay iyakin,
ang anino ay ligalig, naliligaw sa dilim,
nag-iisa habang binabagabag ng lamig.

Sa aking bawat hakbang, nagdurugo ang mga linya,
nalulusaw ang daan, nalalapnos ang hininga.
Hinihiwa na ng aking tinig ang gabi.

Napatingala ako sa kalawakan,
wala ni isang butuin,
nawawala ang mahiwagang bituin.

Nilisan ko ang mga halik, ang mga yakap sa lamig.
Nilisan natin ang mga halik, ang mga yakap sa lamig.
Naiwan ang talim, ang sugat sa labi.

Nasasaktan nang tumulo ang luha habang tumutula,
ulila na ang dilim, ang lamig, ang gabi.

Ang lahat ay nahihimbing,
ngunit ako ang saksi sa bigong panaginip –
ako na pumukaw sa iyong kaluluwa
naging tampalasan sa iyong mga mata.

Ninais mong ang ako at ikaw ay magtagpo
nang walang pangalan, walang kinabukasan,
anuman ay wala.

Nabigatan ka sa aking mga talinghaga,
sa bigkas ng mga talata, sa lalim ng balon
ng aking pag-ibig ika’y nalunod, nalunod.

Nilisan ko ang musa.
Nilisan ako ng musa.

Ang mga bakas ng naunang ngiti, tamis, tuwa,
sigla, ligaya, lukso ay naiwan.
Iyon lamang ang nais kong iguhit sa langit,
kukulayan ko ng bahaghari.
Itatatwa ko ang mga halik, ang mga yakap, ang bulkan
dahil ito’y walang pangalan, walang kinabukasan.

Titigil din ang luha
pagkatapos ng tula.

28 Disyembre 2008, madaling-araw

‘Di ko alam kung inaadya ng mga planeta.
Baka nga nasa linya ang Mars, Saturn at Jupiter
noon – nang kita’y masilayan, mamasdan.

Maningning kasi ang iyong paglitaw,
nasilaw ako nang bahagya, inaamin ko.
‘Di ko pinansin – bakit nga ba naman biglang
lilitaw ang ‘sang marikit, maamong bituin
sa dakong hapon?

Nang kita’y titigan, nakita
ko ang daigdig sa kislap
ng ‘yung mga mata.

‘Di ko pinansin – bakit nga ba naman biglang
magbibiro ang uniberso gayung matagal na
ako nitong binibigo?

Nang kita’y lisanin, nakita
ko ang kislap ng ‘yung mga mata
saan mang dako sa daigdig.

‘Di ko pinansin.
‘Di rin ako mapalagay.
‘Lang gabi ang lumipas, ang ‘yung kinang
ay nananatiling nakaguhit sa kalangitan –
nagbubura ng lungkot, naglalagay ng ngiti.

‘Di na ako nasilaw nang titigan kita.
Dahil nasilo na pala ako – ng ‘yung indak,
ng ‘yung ganda, ng ‘yung ningning.

Nang kita’y gawing musa,
naisip ko – mananatili ka bang nakasilay
sa gawing itaas ng Hilaga
gayung andito naman ako
sa gawing ibaba
nagpupuyat kasama ang masa?

XLV

‘Wag kang lumayo, nang kahit na isang araw, dahil –
dahil – hindi ko alam kung paano sasabihin: ang isang araw ay matagal
at ako’y maghihintay sa iyo, katulad ng sa isang hungkag na istasyon
na ang mga tren ay nakaparada sa ibang lugar, nahihimbing.

‘Wag mo akong iwan, nang kahit isang oras, dahil
doon ang maliliit na patak ng paghihinagpis ay bubuhos ng lahatan,
ang usok na kumakalat naghahanap ng himlayan ay lulutang
patungo sa akin, sasakalin ang aking pusong nangungulila.

O, nawa’y ang iyong anino ay ‘di malusaw sa dagat;
nawa’y ang talukap ng iyong mga mata ay ‘di mamungay sa malayong kawalan.
‘Wag mo akong iwan kahit ‘sang saglit, aking pinakaiirog,

dahil sa sandaling ‘yun na ika’y lilisan
ako’y tulirong maglalagalag sa daigdig, magtatanong,
Ikaw ba ay babalik? Iiwan mo ba ako rito, nalalagutan ng hininga?

XLVI

Sa lahat ng mga bituing aking hinangaan, nababad
sa samu’t-saring ilog at hamog,
pinili ko iyon lamang isang aking iniibig.
Mula noon ay nahihimbing na ako kasiping ang gabi.

Sa lahat ng mga alon, ‘sang alon at isa pang alon,
luntiang karagatan, luntiang habagat, sanga-sanga ng luntian,
pinili ko iyon lamang isang alon,
ang ‘di nahahating alon ng ‘yung katawan.

Lahat ng mga tulo ng tubig, lahat ng mga ugat,
lahat ng mga silahis ng ilaw na nakakulumpon sa akin dito;
lahat sila ay bumuhos sa akin sa malao’t sa madali.

Nais kong angkinin ang iyong buhok, para lang sa akin.
Mula sa lahat ng mga biyayang inihandog ng aking bayang sinilangan
pinili ko iyon lamang mabalasik mong puso.

VII

Sumama ka sa akin, sabi ko, at ‘lang nakakaalam
kung saan, o kung paano umiintak ang aking pait,
walang mga carnation o barkarola para sa akin,
tanging ang sugat lamang na hiniwa ng pag-ibig.

Sinabi kong muli: Sumama ka sa akin, na para bang akong mamamatay,
at ‘lang nakasaksi sa buwan na dumugo sa aking bibig
o sa dugo na umakyat sa katahimikan.
O Irog, ngayon ay maaari na nating kalimutan ang bituin na may ganoong mga tinik!

Kaya nga, nang aking marinig ang ‘yung tinig muli
Sumama ka sa akin, ganoon na para bang pinakawalan mo na
ang paghihinagpis, ang pag-ibig, ang ngitngit ng alak na nakakulong sa kaniyang takip

na bumubulwak bumabaha mula sa kaibuturan ng kaniyang baul:
sa aking bibig naramdaman ko muli ang lasa ng apoy,
ng dugo at carnations, ng bato at lapnos.

XVII

‘Di kita iniibig na para bang ikaw ay maalat na rosas, o topas,
o ang pana ng carnations na pinakawalan ng apoy.
Iniibig kita katulad sa kung paano iniibig ang mga tiyak na madidilim na bagay,
ng palihim, sa pagitan ng anino at ng kaluluwa.

Iniibig kita katulad ng halamang ayaw mamukadkad
pero sinasapo sa kaniyang sarili ang liwanag ng nakatagong mga bulaklak;
salamat sa iyong pag-ibig ‘sang tiyak na maigting na halimuyak,
pumaimbulog mula sa daigdig, namumuhay ng may hiwaga sa aking katawan,

Iniibig kita nang ‘di nalalaman kung paano, o kailan, o mula saan.
Iniibig kita nang diretsahan, nang walang salimuot o pagmamataas;
kaya iniibig kita dahil wala akong nalalamang ibang paraan

maliban dito: na kung saan ako ay ‘di nabubuhay, kahit ikaw,
napakalapit, na ang iyong palad sa aking dibdib ay aking palad,
napakalapit, na pumipikit ang iyong mga mata sa aking paghimbing.

XXV

Bago kita inibig, Mahal, kawalan ang aking sarili:
nagaagam-agam ako sa mga lansangan, sa mga bagay-bagay:
walang may halaga o may pangalan:
ang daigdig ay gawa sa hangin, na naghintay.

Ang alam ko ay mga silid na puno ng abo,
mga lagusan na ang buwan ay namuhay,
magagaspang na garahe na naghuhumiyaw ng pagkaligaw,
mga tanong na nagpupumilit sa buhangin.

Ang lahat ay kawalan, walang buhay, walang tinig,
laglag, abandonado, at agnas:
‘di maarok na naiiba, ang lahat

ay para sa kaniya – sa walang sinuman:
nang pinuno ng iyong kagandahan at ng iyong kadukhaan
ang tagsibol ng nag-uumapaw na mga alay.

XXX

Ikaw ay may makapal na buhok ng malagong punongkahoy mula sa kapuluan,
kutis na hinubog ng mga siglo ng panahon,
mga ugat na nakakilala ng mga karagatan ng kahoy ng kagubatan;
luntiang dugong nalaglag sa ala-ala mula sa kalangitan.

Walang sinumang makakabawi ng aking sawing puso
mula sa lahat ng mga ugat na ‘yun, mula sa sariwa nagngangalit na tingin
ng araw na pinadami sa tubig.
Doon ito namumuhay, ang aninong ‘di ako sinusundan.

At kaya ikaw ay sumulpot mula sa Timog katulad ng isang isla
punung-puno at nakokoronahan ng mga balahibo at kahoy:
Naamoy ko ang halimuyak ng papalayong mga kagubatan,

Natagpuan ko ang madilim na pulót na aking nalaman sa kakahuyan;
sa iyong tadyang ay hinipo ko ang matitigas na mga talulot
na isinilang kasama ko, na bumubuo sa aking kaluluwa.

LXVI

‘Di kita iniibig – maliban dahil sa iniibig kita;
tumutulay ako mula sa pagmamahal patungo sa ‘di pagmamahal sa ‘yo,
mula sa paghihintay patungo sa ‘di paghihintay sa ‘yo
gumagalaw ang aking puso mula sa lamig patungo

sa apoy. Iniibig kita dahil lamang sa ikaw
ang aking iniibig; Namumuhi ako sa ‘yo nang walang wakas, at ang pagkamuhi sa ‘yo
bumabaluktok patungo sa ‘yo, at ang sukatan ng aking nagbabagong pag-ibig para sa ‘yo
ay ang ‘di kita nakikita kundi iniibig kita

nang parang bulag. Malamang ay uubusin ng liwanag ng Enero
ang aking puso nang kaniyang mababangis
na silahis, nanakawin ang aking susi sa banayad

na tunay. Sa bahaging ito ng kwento ako ang siyang
namatay, tanging ako, at mamamatay ako sa pag-ibig dahil iniibig kita,
dahil iniibig kita, Mahal, sa apoy at sa dugo.

XCII

Aking mahal, sakaling ako’y pumanaw at ika’y hindi –,
Aking mahal, sakaling ako’y pumanaw at ika’y hindi –,
‘wag nating buhusan ng hinagpis ang mas malawak na larangan.
Walang nasasakupan na mas malawak pa sa kung saan tayo namumuhay.

Alikabok sa trigo, buhangin sa mga disyerto,
sandali, lagalag na tubig, katulad ng mga punlang naglalayag
nilukob tayo ng malabong hangin.
Maaari ngang ‘di natin natagpuan ang isa’t-isa sa tamang panahon.

Ang taniman na ito kung saan natagpuan natin ang ating mga sarili,
O munting walang hanggan! isinasauli natin ito.
Pero Mahal, ang pag-ibig na ito’y ‘di nagwakas:

katulad ng ito ay walang kapanganakan, ito ay
walang kamatayan: ito ay katulad ng ‘sang mahabang ilog,
nagbabago lamang ng mga lupain, at mga labi.

LXX

Maaari – bagaman ako ay ‘di nagdurugo – ako ay sugatan,
naglalakad sa isa sa mga silahis ng iyong buhay.
Sa gitna ng gubat pinigil ako ng tubig,
ang ulan na bumabagsak kasama ang kaniyang kalangitan.

Tapos ay hinipo ko ang nalaglag na puso, umuulan:
doon ay nalaman ko na ang iyong mga mata
ang sumaksak sa akin, patungo sa malawak na kapaligiran ng aking paghihinagpis.
At tanging ang bulong ng ‘sang anino ang lumitaw,

Sino ito? Sino ito?, pero wala itong pangalan,
ang dahon o maburak na tubig na tumutunog
sa gitna ng gubat, bingi sa mga daraanan:

kaya, aking mahal, alam kong ako’y sugatan,
at doo’y walang ibang nagsalita maliban sa mga anino,
sa lagalag na gabi, sa halik ng ulan.

LII

Kumanta ka, at ang ‘yung himig ay tumatalop sa ipa
ng arawang palay, ang ‘yung kanta kasama ang araw at kalangitan,
ang mga puno ay nakikipag-usap sa kanilang luntiang dila:
ang lahat ng mga ibon ng taglamig ay humuhuni.

Pinupuno ng karagatan ng mga hakbang ang kaniyang kailaliman,
ng mga kampana, mga kadena, mga halinghing,
ang mga gamit at mga bakal ay nag-iingay,
ang mga gulong ng sasakyan ay humihiyaw.

Pero ang naririnig ko lamang ay ang ‘yung tinig, ang ‘yung tinig
ay umiimbayog nang may kasiglahan at kasaktuhan ng ‘sang pana,
nalalaglag ito nang may pagbagsak ng ulan,

ang ‘yung tinig ay nagpapakalat ng matatanyog na mga espada
at bumabalik kasama ang kargada ng mga biyulin:
sinasamahan ako nito sa alapaap.

XLIX

Sa araw na ito: ang lahat ng kahapon ay nalaglag papalayo
kasama sa mga tangkay ng liwanag at nahihimbing na mga mata.
Ang bukas ay sasapit sa kaniyang luntiang mga hakbang;
walang sinumang makapipigil sa pag-agos ng bukang-liwayway.

Walang sinumang makapipigil sa pag-agos ng iyong mga palad,
ng iyong mga mata at kanilang pamumukto, aking pinakaiirog.
Ikaw ang pag-alog ng sandali, na lumilipas
sa pagitan ng nakatindig na liwanag at ng papadilim na kalangitan.

Tinitiklop sa iyo ng kalangitan ang kaniyang mga bagwis,
inaangat ka, binubuhat patungo sa aking mga bisig
nang may maagap, mahiwaga niyang kalooban.

Kaya ako’y nagsusumamo sa araw at sa buwan,
sa dagat, sa sandali, sa lahat ng mga planeta,
sa iyong palagiang tinig, sa iyong panggabing kutis.

XLIV

Dapat mong malaman na hindi kita iniibig at iniibig kita,
dahil ang lahat ng bagay na buhay ay may magkabilang banda;
ang salita ay isang bagwis ng katahimikan,
apoy ay mayroong kabiyak na lamig.

Iniibig kita upang simulan kitang ibigin,
upang simulan muli ang walang hanggan
at huwag huminto sa pag-ibig sa iyo:
kaya hindi pa kita iniibig.

Iniibig kita, at hindi kita iniibig, na para bang kinikimkim ko
sa aking palad ang mga susi: sa isang kinabukasan ng ligaya –
sa isang nakapanlulumo, nakakalitong kapalaran –

Ang aking pag-ibig ay may dalawang buhay, upang ibigin ka:
kaya iniibig kita kapag hindi kita iniibig,
at kaya rin iniibig kita kapag iniibig kita.

Akin ang lahat ng kasalanan, inaamin ko

Akin ang lahat ng kasalanan,

Akin ang lahat ng kasalanan,

Akin ang lahat ng kasalanan,

Akin ang lahat ng kasalanan,

Akin ang lahat ng kasalanan,

Akin ang lahat ng kasa…,

Nawa’y ito na ang aking huling kumpisal.